Nagkaisa ang House Committee on Constitutional Amendments at ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na isulong ang pag-amyenda sa economic provisions ng konstitusyon.
Ito ang napagkasunduan sa pulong nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Sen. Robinhood Padilla na siyang namumuno sa nabanggit na mga komite na syang tumatalakay sa panukalang Charter Change o ChaCha.
Sa kasalukuyang probisyon ng konstitusyon ay limitado lamang sa 40% ang foreign ownership sa public utilities, development ng natural resources at edukasyon; 30% sa advertising habang ipinagbabawal naman ito sa media at pagbili ng lupa.
Matapos ang pulong kay Congressman Rodriguez ay nakausap din ni Senator Padilla sina House Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Dalipe at Senior Majority Leader Sandro Marcos.
Binigyan ng update ni Rodriguez kay Padilla ang pangangailangan na maamyendahan agad ang mga economic provisions of the Constitution.
Layunin nito na mas maging bukas ang Pilipinas sa foreign investments at makalikha ng dagdag na trabaho sa mga Pilipino at umaayon din ito sa pagsisikap ni Pangulong Bongbong Marcos na makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa bansa.