Mga kompanya ng langis, pumayag na gawing pautay-utay ang oil price hike ngayong linggo —DOE

Inanunsiyo ng Department of Energy (DOE) na pumayag ang mga kinatawan mula sa oil industry na gawing pautay-utay ang pagpapatupad ng dagdag presyo sa produktong petrolyo ngayong linggo.

Sa isang pahayag, sinabi ni DOE Officer-in-Charge Sharon Garin na matapos ang kanilang pakikipag-pulong sa oil industry players ay pumayag ang mga kompanya ng langis na gawing hindi biglaan ang oil price hike.

Layon aniya nitong masiguro na hindi magiging mabigat ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis lalo na sa mga nasa agriculture at transport sector.

Sabi ng DOE, may hanggang alas-sais mamayang gabi ang mga oil company para isumite ang kanilang sistema ng pagpapatupad kabilang ang breakdown ng magiging adjustments.

Hinimok pa ni Garin ang mga kompanya ng langis na dagdagan ang mga gasolinahan na nag-aalok ng fuel discounts para sa mga nasa transport sector.

Sa ngayon, naglalaro sa P55.90 ang presyo ng kada litro ng gasolina, P53.30 sa kada litro ng diesel habang P70.22 naman sa kada litro ng kerosene.

Facebook Comments