2 teroristang napatay sa Mamasapano, sangkot din sa pagpatay sa 3 goat traders

Kinumpirma ng Philippine Army 6th Infantry (Kampilan) Division na ang dalawang miyembro ng Dawlah Islamiyah Hassan Group na nasawi sa engkwentro ng militar sa Barangay Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur nitong madaling araw ng June 22 ay may direktang kaugnayan sa brutal na pagpatay sa tatlong goat Rtraders mula Batangas.

Matatandaang natagpuang nakalibing sa rubber plantation sa Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha noong May 30 ang tatlong goat traders.

Kinilala BGen. Edgar Catu, commander ng 601st Infantry Brigade ang mga nasawing terorista na sina Tahir Salim Suweb at Benladin Adi Kamid.

Nahuli naman nang buhay ang dalawang kasamahan nilang sina Junjun Kayogen Leosen at Rasul Mendoza Kariman.

Ayon kay BGen. Catu, sangkot din ang grupo sa serye ng nakawan at pamamaslang sa mga sibilyan na ginagamit nilang pantustos sa armadong kilusan.

Sila rin ang itinuturong nasa likod ng pananambang sa Datu Hoffer noong Marso 2024 kung saan apat na sundalo ang nasawi.

Sa ngayon, patuloy ang hot pursuit operations laban sa iba pang kasapi ng grupo para tuluyang maputol ang kanilang teroristang aktibidad.

Facebook Comments