Pagkuha ng 20,000 dagdag na guro ngayong School Year, inaprubahan ng DBM

Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pagkuha ng nasa 20,000 na guro ngayong 2025.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, alinsunod pa rin ito sa hangarin ni Pangulong Marcos Jr., na siguruhin ang kalidad na edukasyon at matutukan ang mga estudyante.

Nasa 4,000 ang dagdag sa kukuning Teacher I positions sa ilalim ng batch 2 ng hiling ng Department of Education.

Mahigit 1,600 dito ang para sa kindergarten/elementary, 391 para sa junior high school, at 1,951 para sa senior high school.

Nauna nang inaprubahan noong Mayo ang 16,000 na posisyon para sa kabuuang 20,000 guro na request ng DepEd.

Kukunin ang pondo sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act partikular sa New School Personnel Positions ng Education Department.

Noong Abril, inaprubahan naman ng DBM ang paglikha ng 10,000 non-teaching positions sa DepEd para naman pagaanin ang administrative work ng mga guro.

Facebook Comments