Manila, Philippines – Umapela ang Palasyo ng Malacañang sa mga mambabatas na tularan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kasimplehan dahil ayaw nito na tinatrato siyang VIP at nabibigyan ng special treatment.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap narin ng hirit ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na dapat ay exempted ang mga kongresista sa mga minor traffic violations dahil kung huhulihin ang mga kongresista ay hindi magagampanan ng mga ito ang kanilang mandato.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, alam naman ng lahat na napakasimple o payak ng buhay ni Pangulong Duterte na ipinapakita nito sa loob man o sa labas ng Malacañang.
Sana aniya ay gayahin ng mga kongresista lalo ng mga mga kaalyado ng administrasyon ang simpleng lifestyle ni Pangulong Duterte.
Matatandaan na binatikos ng netizens at maging ng ilang kongresita ang naging pahayag ni Fariñas kung saan sinabi pa ng ilan na ang mga mambabatas ang mga gumagawa ng batas at dapat sila ang unang sumusunod dito.