Mga kongresista, nagpahayag ng pakikiramay sa pagpanaw ni FVR

Nagpahayag ng pakikiramay si House Speaker Martin Romualdez at iba pang House leaders sa pagpanaw ni dating Pangulong Fidel Valdez Ramos.

Ayon kay Romualdez, na siya ring presidente ng Lakas-Christian Muslim Democrats o Lakas-CMD, nawalan sila ng magaling na lider, mabuting kaibigan na pinagmumulan ng lakas at inspirasyon.

Tinawag naman ni Congressman Joey Salceda si FVR na kaniyang mentor at naging daan para siya ay maglingkod sa gobyerno kasabay ang pagpuri sa financial reforms na ipinatupad nito kaya nakabawi ang Pilipinas sa epekto ng 1997 Asian financial crisis.


Sa panig ni House Deputy Speaker Ralph Recto, naging pangulo si FVR noong 1992 nang lugmok ang bansa isang taon matapos ang Mt. Pinatubo eruption at Baguio earthquake noong 1991 pero unti-unting naibangon ang ekonomiya sa ilalim ng kanyang liderato.

Sabi ni Congressman Elpidio “Pidi” Barzaga, ang coalition-building ang naging sentro ng pamumuno ni FVR.

Diin naman ni Congressman Fidel Nograles ang inspiring at effective leadership ni FVR ang naging daan para makamit ng bansa ang katatagan sa larangan ng politika, kaunlaran at pagsasakatuparan ng mga programang para sa taumbayan.

Pinuri naman ni Congressman Margarita Migs Nograles ang Build Operate Transfer Law na ipinatupad ng Ramos administration na tinatawag ngayong Public Private Partnership o PPP na naging ugat ng malalaking proyektong na pinakinabangan ng mamamayang Pilipino.

Giit naman ni House Deputy Minority Leader Bernadette Herrera si FVR ay patuloy na kikilalanin sa ating kasaysayan bilang democracy icon at greatest statesmen.

Binanggit din ni Herrera ang hands-on approach ni FVR sa ating ekonomiya na nagresulta para ituring ang ating bansa bilang Asia’s next economic tiger.

Facebook Comments