Iminungkahi ni Senator Christopher “Bong” Go na bigyan ni Pangulong Bongbong Marcos ng lakas ng loob ang mga law enforcement agencies upang malabanan ang krimen sa bansa.
Ginawa ng senador ang pahayag kaugnay na rin sa paglaganap at pagtaas ng kaso ng mga dinudukot sa maraming bahagi ng bansa.
Sinabi ni Go na silang mga nasa gobyerno ay dapat na magbigay ng lakas ng loob sa mga kapulisan upang maramdaman nila na suportado ang kanilang mga hakbang ng pamahalaan.
Tinukoy ng senador na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay naging epektibo ang pagbabanta sa mga kriminal at ang paghahayag ng suporta sa mga pulis at sundalo ng bansa.
Mahalaga aniya ito upang lumakas ang loob ng ating mga law enforcement agencies dahil ipinapakita na naka-back up at buo ang suporta sa kanila ng commander-in-chief ng bansa.