Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Local Government Units (LGUs) na makiisa sa National Government sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa kanyang mensahe sa online stream kaninang madaling araw, iginiit ng Pangulo na iisang republika lamang ang mayroon ang Pilipinas at hindi dapat nagkakawatak-watak.
Kaya dapat sumunod lang ang mga LGU sa mga direktibang inilalabas ng gobyerno para sa kapakanan ng bansa at bawat mamamayan.
Ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the management of emerging infectious diseases lamang dapat ang naglalatag ng pamantayan para sa quarantine measures.
Walang ibang polisya dapat ipinapatupad ang mga LGU lalo na sa galaw ng mga cargo at goods.
Nagbabala ang pangulo na kung aabusuhin ng mga lgu ang kanilang kapangyarihan ay posible silang sampahan ng kaukulang kaso.
Para sa Pangulo, maituturing na lockdown ang Luzon-Wide Quarantine kasunod ng pag-lobo ng mga namamatay at nagpopositibo sa virus.
Inaatasan ng pangulo ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) na mahigpit na bantayan ang mga LGU.