Mga LGU, pinabibigyan ng kapangyarihan para makabuo ng sariling mass public transportation

Pinabibigyan ng Senado ng mas malawak na kapangyarihan ang mga Local Government Unit (LGU) upang makabuo sila ng sariling local mass public transportation system.

Sa Senate Bill 951 na inihain ni Senator Sherwin Gatchalian, isinusulong na maging maayos ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at magkaroon ng pasilidad ang mga LGU sa pamamagitan ng pagbibigay kapangyarihan sa mga ito na makapagtatag ng sariling mass transportation system.

Inaamyendahan ng panukala ang ilang probisyon ng Local Government Code of 1991.


Nakasaad sa panukalang batas na ang lahat ng LGUs ay dapat na pagsumikapang makapagbigay sa kanilang lugar ng ligtas, abot-kaya, accessible at sustainable na mass public transportation system.

Kabilang sa mass transport na maaaring itatag ng mga LGU ang modern rail-based systems, personal rapid transit systems, monorails, railways, subways, cable cars, trams, bus rapid transits at iba pang paraan ng transportasyon.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang panukala ay humihikayat ng interconnectivity at integration sa kasalukuyang umiiral at mga isinusulong na national at local intermodal transportation system gayundin ng pagbalangkas ng koordinasyon ng mga LGU sa pagpapatupad ng multi-LGU infrastructure transportation projects.

Punto pa ni Gatchalian na ang isang epektibong transport system ay napakahalaga sa paghimok ng mga mamumuhunan na makakatulong sa pagusbong ng mga economic activities at pag-unlad ng lugar.

Facebook Comments