Kailangang ibayong alerto pa ang gagawin ng mga Local Government Units para bantayan ang lahat ng infrastructure projects ng gobyerno laban sa pananabotahe ng NPA terrorist group.
Hinimok ni DILG Secretary Eduardo Año ang mga LGUs na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para higpitan ang seguridad sa mga government projects na ginagawa na ring target ng NPA.
Ang pahayag ay ginawa ng kalihim kasunod ng panibagong kaso ng pag-atake ng teroristang grupo sa ginagawang Bicol International Airport sa Daraga, Albay.
Base sa ulat, pinasabog ng NPA ang isang dump truck na pag-aari ng contractor na E.M. Cuerpo Inc. na ginagamit sa konstruksyon ng airport sa Sitio Palanog, Brgy. Gapo.
Ang Bicol International Airport ay isa sa priority projects sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Duterte Administration at inaasahan na matatapos sa taong 2021.
Paliwanag pa ni Año, kung talagang pag-unlad ng bansa ang hangad ng komunistang grupo, hindi dapat sinisira ang mga proyekto na makatutulong nang malaki sa taumbayan.
Noong 2017, may 10 heavy equipment ng E.M. Cuerpo Inc. ang sinunog din ng komunistang grupo.
Ginagawa ng mga ito ang mga pang-atake para manghingi ng Revolutionary tax para pondohan ang kanilang terroristic activities.