Mula ngayong taon ay kailangang mayroong sariling Public Employment Service Office (PESO) ang lahat ng lokal na pamahalaan bilang requirements upang maging kuwalipikado sa Seal of Good Local Governance (SGLG) award.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, inaprubahan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang rekomendasyon ng DOLE na isama na ang PESO at pagtatalaga ng manager ng naturang tanggapan sa Social Protection and Sensitivity criteria ng Seal of Good Local Governance.
Ang Seal of Good Local Governance ay pagkilala sa mabuting performance ng mga local government units (LGU) na may kinalaman sa mahusay na paggamit ng pondo at iba pang aspeto ng pamahalaan na direktang pinakikinabangan ng mga mamamayan, at ito ay isa sa pinakamimithing makamit ng bawat LGU.
Itinuturing ni Secretary Bello na mahalagang pagbabago ito na may layunin na mapabuti at mapalakas ang kapasidad ng 1,592 na sangay ng PESO sa buong bansa.
Sinabi rin ng kalihim na hindi lamang nakatitiyak ng resources ang mga PESO manager kundi mabibigyan pa ng importansiya ang pagproseso ng trabaho para sa mga nasasakupan ng mga LGU.