Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na gagawing detalyado ang paggagamitan ng lump sum sa 2023 national budget.
Ayon kay Zubiri, mismong si Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ay ginagarantiyahan na gagawing itemized ang paglalaanan ng pondong nasa lump sum.
Ito umano ang gagawin bago aprubahan ng Senado at bago dalhin sa bicameral conference committee ang P5.268 trillion na pambasang pondo sa susunod na taon.
Magugunitang sinita ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang halos P1 trillion na lump sums sa panukalang national budget at iminungkahing tapyasan ito at ilipat sa calamity fund.
Binigyang diin ni Zubiri na maliwanag naman ang ruling ng Korte Suprema na nagbabawal sa lump sums sa national budget.
Kung sila sa Senado ang tatanungin ay nais nila maging epektibo at responsable ang gobyerno sa paggamit ng pondo.