Mga mag-aaral, magiging ligtas laban sa COVID-19 sa pagbubukas ng klase sa Agosto

Para kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, ligtas magbukas ang klase sa Agosto basta maipatutupad sa mga paaralan ang health protocols laban sa COVID-19.

Sinabi ito ni Duque sa pagdinig ng Senado sa kabila ng pagkontra ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maaaring magbukas ang klase kung wala pang bakuna laban sa COVID-19.

Diin ni Duque, magiging ligtas ang mga mag-aaral basta masunod ang minimum health standards tulad ng physical distancing, paghuhugas ng kamay, pag-disinfect sa mga silid-aralan, pagtiyak na laging may alcohol o hand sanitizer sa mga eskwelahan.


Dagdag pa ni Duque, dapat ay may thermal scanning din sa mga paaralan para hindi na papapasukin ang mga batang may lagnat at agad maabisuhan ang kanilang mga magulang.

Tiwala rin si Duque na may mahusay na programa ang Department of Education (DepEd) para masiguro na maipatutupad ang minimum health standard sa pagpasok ng mga estudyante.

Binanggit pa ni Duque na nakahanda ang online learning platform ng DepEd sakaling hindi pa uubra ang face-to-face na pagtuturo.

Facebook Comments