Nagsagawa ng kilos-protesta ngayong hapon sa harap ng University of the East (UE) Manila ang mga estudyante ng UE mula sa Manila at South Caloocan Campus.
Ito ay upang kondenahin ang 9.5% na pagtaas ng tuition fee ng UE at iba pang school fees ng unibersidad, sa gitna ng nararanasang socioeconomic crisis ng bansa.
Ayon sa mga mag-aaral ng UE, halos taun-taon kung mag-implementa ng pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayaring ang administrasyon ng paaralan.
Taun-taon ding pilit na umaapela at lumalaban ang mga mag-aaral laban sa umano’y hindi makatarungang proposisyong ito.
Nabatid na nagsulong din ang konseho ng mag-aaral ng isang dayalogo kay UE President Zosimo Battad mula noong Pebrero upang pag-usapan ang isyu, ngunit hindi umano humarap kailanman ang admin o sumagot man lang sa mga mag-aaral.
Panawagan ng mga mag-aaral, na harapin at pakinggan sila ng pamunuan ng UE at mag-implementa ng mas malinaw na sistema, maayos na pasilidad, at mas dekalidad na edukasyon.