*Cauayan City, Isabela- *Maswerte umano ang mga magsasaka dito sa lalawigan ng Isabela dahil mayroon umanong suporta ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa presyong 17 pesos na dating pinambibili ng National Food Authority (NFA) sa palay ng mga magsasaka.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay NFA Regional Director Rocky Valdez, mula sa 17 pesos na buying price ng NFA sa mga magsasaka ay nagdagdag umano ang ating pamahalaang panlalawigan ng 4.50 pesos sa kada kilo ng palay ng mga magbebentang magsasaka sa NFA at magiging 21.50 pesos na ang kabuuang buying price ng NFA sa mga local na magsasaka dito sa lalawigan ng Isabela.
Sa ngayon ay mayroon pa umanong mahigit 18 million pesos na pondo ang ating pamahalaang panlalawigan sa NFA at kanila umano itong gagamitin sa susunod na anihan.
Ayon pa kay NFA Regional Director Valdez, Kung magagamit at maibibili umano lahat ang ibinigay na pondo ay makakabili ito ng nasa walumpong libong sako ng bigas para sa karagdagang bufferstock ng NFA sa buong lambak ng Cagayan.
Samantala, Inaasahan ngayong anihan na makaka-ani ang lalawigan ng Isabela ng nasa 700 thousand metric tons at sumusunod na umano ang ating lalawigan sa Nueva Ecija na may pinakamaraming ani sa bansa.
Kaugnay nito ay naghahanda pa rin ang pamunuan ng NFA kung sakaling bumaba ang presyo ng palay ngayong anihan.