Mga magulang, pinayuhang bantayan ang mga anak laban sa online challenge

Nagbabala ang mga awtoridad sa kumakalat ngayong challenge sa social media na maaaring bumubuyo sa mga bata na saktan ang kanilang sarili.

Sa online challenge, nag-uutos ng 50 tasks ang isang karakter na lilitaw sa pinapanood na video sa internet.

Magsisimula ang hamon ng karakter sa maliliit na utos hanggang sa uutusan nito ang bata na saktan ang sarili.


Kapag hindi tumupad ang user sa utos ay tatakutin ito na papatayin siya o ang kaniyang mga magulang.

Nagdulot din umano ng mga kaso ng suicide sa bansang Argentina, Brazil, at Canada ang nasabing challenge.

Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) acting Secretary Eliseo Rio, maituturing cyberbullying ang nasabing challenge, na target ang mga kabataan na lulong sa paggamit ng gadget at aktibo sa social media.

Aminado ang DICT na mahihirapan silang ma-block ang challenge na ito sa Pilipinas at sandata lang ng magulang ang paggabay ng kanilang mga anak tuwing gagamit ng mga gadget.

Inutusan naman na ni PNP Chief Oscar Albayalde ang pag-iimbestiga ng mga kasong may kaugnayan sa naturang online challenge at nanawagan sa mga magulang na maging alisto sa kanilang mga anak.

Facebook Comments