Cauayan City, Isabela- Bibigyan ng tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga maliliit na negosyo na lubhang naapektuhan sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ginoong Winston Tan Singun, Provincial Director ng DTI Isabela sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Marami aniya sa mga Micro Small and Medium Enterprises o MSME’s ang umaaray matapos na hindi makapag-operate ng negosyo dahil sa ECQ.
Dahil dito, naglaan ng pondo ang DTI para maasistehan ang mga maliliit na negosyo na nalugi at wala nang puhunan dahil sa banta ng pandemya na dulot ng COVID-19.
Makikipag-ugnayan ang tanggapan ng DTI Isabela sa provincial government upang madagdagan ang pondo at mas maraming negosyo ang matutulungan.
Ayon pa kay Ginoong Singun, nasa halagang Php5,000.00 hanggang Php8,000.00 ang ibibigay na starter kit para sa mapipiling negosyante.
Ilulunsad aniya ito pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine.