Mga maling utos ng senior officer ng MPD, maaring huwag sundin ayon kay NCRPO Chief Danao

Iginiit ngayon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Vicente Danao Jr. na maaring hindi sundin ng mga junior officer ang kanilang superior.

Ito ang paalala ng opisyal sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) matapos itong bumisita sa kanilang headquarters sa UN Avenue sa lungsod ng Maynila.

Sa pahayag pa ni Danao, marami na siyang natatanggap na ulat ng iba’t ibang kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga pulis partikular sa illegal drugs, extortion at rape hindi lamang sa lungsod ng Maynila kundi sa buong NCR.


Paliwanag pa ng opisyal na kung sa tingin ng isang pulis ay mababa ang kanyang ranggo ngunit hindi tama ang utos ng kanyang superior dapat niya itong iiwasan at huwag sundin lalo na kung hindi ito tama.

Inihalimbawa ni Danao ang nabuking na isang police officer na nag-utos sa kanyang tauhan na kolektahin ang perang parating mula sa illegal drugs gamit ang code na ‘papaya’.

Sa gitna ng ganitong sitwasyon, sinabi ng opisyal na mas matutuwa pa siya at baka itaas pa niya ng ranggo ng isang police officer na susuway sa masamang utos ng kanyang commander.

Pinaalalahanan din ng heneral ang mga miyembro ng MPD at buong NCRPO na sangkot sa illegal activities na tumigil na dahil kapag sila ay nahuli wala na silang pupuntahan kundi mag-resign o mag-AWOL sa trabaho.

Facebook Comments