Cauayan City, Isabela- Bibigyan na lamang ng prayoridad ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang pagtanggap sa mga pasyenteng may moderate, severe at critical sa COVID-19.
Sa panayam ng Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC, kanyang sinabi na mayroon ng bagong polisiya ang pinamumunuang ospital na kasalukuyan nang pinaiiral.
Inihayag nito na hindi na kailangang dalhin sa CVMC ang isang asymptomatic na pasyente o ‘mild’ lamang ang kaso dahil maaari naman aniyang dalhin ang mga ito sa isolation facility ng LGU lalo’t wala rin aniyang kinakailangang iturok na gamot sa mga ito.
Paalala naman nito sa mga direktang nagdadala ng pasyente sa CVMC na dapat ay naicoordinate muna ito sa command center upang malaman kung mayroon pang available na room at masuri rin ang kalagayan ng pasyente.
Sa kasalukuyan, bumaba na lamang sa 190 ang bilang ng mga positibo na ka-admit at nagpapagaling na sa naturang ospital.
Samantala, hinihikayat ni Dr. Baggao ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19 upang mabigyan ng sapat na proteksyon ang sarili.
Pinawi nito ang takot ng ilan sa mga ayaw magpabakuna dahil wala naman aniyang masamang epekto ang itinuturok na COVID-19 vaccines sa katawan ng tao.
Muli rin nitong ipinaalala sa publiko ang tamang pagsunod sa minimum public health standards upang maiwasang mahawa o hindi makapanghawa ng COVID-19.