Mga medical interns na naka-duty dahil sa COVID-19, pinabibigyan ng benepisyo

Pinaalalahanan ni Quezon City Representative Alfred Vargas ang mga medical institutions na bigyan ng karampatang proteksyon at benepisyo ang mga medical interns na katuwang ngayon sa paglaban sa COVID-19.

Ayon kay Vargas na siyang may akda ng Intern’s Rights and Welfare Act of 2019, kahit na maituturing na trainee pa lamang ay mahalaga na mabigyan ding proteksyon ang mga medical interns sa pamamagitan ng pagbibigay ng kompensasyon at pagtiyak sa kanilang kaligtasan at kapakanan sa buong period ng kanilang internship.

Itinutulak ng mambabatas na mabigyan ang mga medical interns ng nararapat na working hours, gayundin ang pagbibigay ng allowances para sa pagkain at iba pang gastusin.


Inoobliga rin nito ang mga medical institutions na akuin ang responsibilidad sa mga trainees tulad ng pagbibigay ng medical, dental, at mental health benefits at pagkakaroon ng access sa basic services sa lugar na pinagtatrabahuan.

Sa panahon ng krisis, hiniling din ng kongresista na mabigyan ng insurance coverage ang mga interns.

Mababatid na sa Philippine General Hospital, higit 100 medical interns ang boluntaryong tumutulong ngayon sa mga medical staff at sa mga pasyente ng ospital.

Tiniyak naman ng PGH na maibibigay sa mga interns ang mga kinakailangang benepisyo habang katuwang ang mga ito sa mga kasong may kinalaman sa COVID-19.

Facebook Comments