Cauayan City, Isabela- Nananawagan si PCapt Rufu Figarola, OIC ng PNP Quirino, Isabela sa mga magulang na huwag bilhan o hayaang gumamit ng motorsiklo ang mga menor de edad na anak.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Figarola, iginiit nito na inilalagay lamang sa kapahamakan ang mga anak na pinapayagang magmaneho ng motorsiklo.
Mas mainam pa rin aniya na ihatid na lamang ng magulang ang anak sa kanilang paaralan.
Kaugnay pa rin ito sa kanilang mga naitatalang aksidente sa lansangan na karamihan ay kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Ayon pa kay PCapt. Figarola, nagsasagawa ang kanilang himpilan ng pagbisita at symposium sa mga paaralan upang paalalahanan ang mga kabataang mag-aaral na huwag magmaneho ng motorsiklo lalo na kapag nakainom ng alak, umiwas sa ipinagbabawal na gamot at sa anumang mga iligal na gawain.