Mga Minomonitor na LSI’s at OFW sa Lungsod Ng Cauayan, Nasa Mahigit 200

*Cauayan City, Isabela*- Tinatayang nasa mahigit 200 katao ang minomonitor ngayon ng pamahalaang lokal ng Cauayan na kinabibilangan ng mga Locally Stranded Individuals (LSI’s) at returning Overseas Filipino Workers (OFW).

Sa public address ni City Mayor Bernard Dy, hinihikayat nito ang lahat na magdoble ingat dahil ang Lungsod ng Cauayan ay may isang (1) probable case ng COVID-19 at 263 na Person’s Under Monitoring.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng 237 na mga LSI at 26 na mga OFW’s.


Sinabi rin ng alkalde na nasa 20 katao ang nakaquarantine sa Balay Silangan, 25 katao sa ISU quarantine facility at 14 indibidwal sa FL Dy Coliseum.

Inihahanda na rin bilang karagdagang quarantine facility ang multi purpose hall sa Hacienda San Luis sa Lungsod.

Humihingi naman ng paumanhin ang alkalde sa pagkukulang sa mga quarantine facilities dahil wala pa aniyang sapat na hiwa-hiwalay na kwarto bilang pasilidad para sa lahat ng mga umuuwing Cauayeño sa Lungsod.

Kaugnay nito, nagkaroon na aniya ng pakikipag ugnayan ang LGU Cauayan sa mga hotel owners para sa posibleng opsyon na gawing quarantine facilities ang mga hotel na naaayon sa guidelines ng DOH at Department of Tourism (DOT).

Samantala, nasa tatlong (3) panibagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Lungsod ng Cauayan na kasalukuyang nagpapagaling sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.

Nilinaw ni City Mayor Dy, nasunod naman ang mga health protocols sa mga umuuwing OFW mula sa Lungsod ng Cauayan kaya’t walang dapat ipangamba ang publiko.

Hiniling naman nito sa mga umuuwi sa Lungsod na makiisa at sumunod sa mga panukala ng LGU gaya ng pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa medical kondisyon at sa mga alituntunin sa ilalim ng MGCQ upang makaiwas sa COVID-19.

Facebook Comments