Nagbabala ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan laban sa kumakalat na mga text message na nagsasabing may “unsettled violation” ang isang motorista at kinakailangang magbayad ng penalty sa loob ng 24 oras.
Ayon sa tanggapan, scam ang mga mensaheng ito at walang kaugnayan sa Land Transportation Office (LTO).
Binanggit na tumutugma ang laman ng mga text sa karaniwang modus ng LTO-related scams, na gumagamit ng mga katagang tulad ng “unsettled violation,” “due in 24 hours,” “suspension,” at “LTMS alarm”.
Layunin umano nitong makuha ang payment details ng biktima o ma-phishing ang kanilang Land Transportation Management System account.
Nilinaw rin na hindi nagtetext ang LTO para sa ganitong uri ng abiso.
Ang mga totoong violation ay tanging ibinibigay lamang sa pamamagitan ng apprehending officer na may aktwal na ticket, o sa opisyal na LTMS portal, kung saan makikita lamang ang violation kung mayroon talagang naitala.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na huwag mag-click ng kahina-hinalang link at huwag magbigay ng personal na impormasyon upang hindi mabiktima ng mga mambubudol. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









