Mga motorsiklo, ibabalik na sa single-plate

Nagkasundo ang mga senador at kongresista sa bicameral conference committee na ibalik na sa single-plate ang mga motorsiklo sa bansa.

Sinabi ni Senator JV Ejercito na ang dalawang plaka na nire-require na ilagay sa harap at likuran ng motorsiklo ang nakapagpatagal sa issuance ng plaka ng mga motorsiklo kung saan nasa 9-M backlog o mga hindi pa nagagawang plaka.

Ayon kay Ejercito, inaamyendahan dito ang “Doble Plaka Law” at iginiit na mas mabuting may plaka na isa ang lahat ng mga motorsiklo kesa obligahin na dalawa subalit hindi naman ito maibigay ng Land Transportation Office (LTO).


Tiniyak naman ng LTO na maibibigay ang 9 million na backlog na plaka hanggang sa darating na Hunyo.

Ibinaba rin ng bicam sa P20,000 mula sa P150,000 ang maximum na multa sa mga paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Law tulad ng kawalan ng plaka o nakakabit na hindi mabasa na plaka.

Ibinasura naman ng bicam ang isinulong ng ilang mambabatas na kabitan ng Radio Frequency Identification (RFID) ang harapan ng mga motorsiklo dahil nakakadagdag lang ito sa delay.

Facebook Comments