Inihayag ng cybersecurity firm na Kaspersky na dumami pa ang mga nabibiktima ng online love scam dito sa Timog-Silangang Asya.
Ayon sa Kaspersky, kinukuha ng mga scammer ang loob ng mga biktima at sinasamantala ang kanilang emosyonal na pangangailangan bago tangayin ang kanilang pera.
Batay sa kanilang isinagawang survey, halos kalahati ng 1,600 nilang respondents ang nawalan ng pera dahil sa love scam.
Muli namang nagbabala ang Philippine National Police ukol sa ganitong modus at pinayuhan ang publiko na huwag agad magtiwala sa mga taong nakilala lamang sa pamamagitan ng internet.
Ayon sa PNP, nasa 100 na reklamo ng love scam na ang kanilang natanggap at posibleng mas marami pa ang tunay na bilang ng mga nabibiktima.
Payo pa ng pulisya, huwag agad magpadala ng pera sa mga taong hindi naman talaga kilala.