Quezon, Isabela- Binabalaan ni Police Senior Inspector Dennis Matias ang mga nagnanakaw ng mga inilalagay na signage sa mga bahagi ng ginagawang kalsada na nagiging sanhi ng kadalasang aksidente sa bayan ng Quezon, Isabela.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay PSI Matias ay sinabi nito na nakipag-ugnayan na umano sila sa mga opisyal ng mga barangay sa kanilang nasasakupang bayan upang mabantayan ang mga residente kaugnay sa pagkuha sa mga signage sa daan.
Paliwanag nito ay isa kasi umano ito sa nagiging dahilan ng disgrasya lalo na kung mabilis ang patakbo ng mga motoristang dumadaan at hindi gaanong pamilyar sa mga bahagi ng daan na ginagawa palamang.
Aniya ay sinabihan na umano nila ang mga opisyal ng barangay na kung sino man umano ang mga mahuhuli ay ipagbigay alam sa kapulisan dahil nakahanda naman umano silang ipataw ang karampatang parusa para sa mga mahuhuli.
Sa pagtaya ni PSI Matias ay umaabot umano sa tatlong katao ang nasasangkot sa aksidente sa kalsada halos kada araw kaya’t hindi din naman sila tumitigil upang gumawa ng paraan para paalalahanan ang mga mamamayan at mga motorista sa kanilang bayan.
Sa ngayon ay lalo pa umanong pinalalawig ng PNP Quezon ang kanilang ginagawang pagchecheck point upang mabantayan at matiyak din ang seguridad at kapayapaan sa kanilang bayan.