Tuesday, April 7, 2026

Mga nagpakalat ng fake news kaugnay sa energy lockdown, fuel shortage at COVID-19 lockdown, pinaiimbestigahan ng PCO sa DOJ

Personal na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si Presidential Communications Office (PCO) acting Secretary Dave Gomez para hilingin na imbestigahan ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake news kaugnay sa energy situation ng bansa.

Ayon kay Gomez, may mga nasilip na ang PCO Anti-Fake-News Desk matapos ilunsad kamakailan ang kanilang Oplan Kontra Fake News.

Kabilang sa pinakakasuhan ng PCO ang Facebook page na “Malasakit News Pilipinas” dahil sa pagpapakalat ng fake news na may intensyon na magdulot ng panic at kalituhan sa publiko.

Tatlong fake news posts ang partikular na pinaiimbestigahan ng PCO sa DOJ para matukoy ang nasa likod ng mga ito at mapanagot sa kanilang ginawa.

Kabilang dito ang umano’y pagkakaroon ng energy lockdown na layong hikayatin ang publiko sa pagbili ng solar panels.

May ibinabala rin na umano’y fuel shortage na nagresulta sa panic buying pagdating sa petrolyo at LPG.

May inimbento rin na umano’y “fuel emergency lockdown” kaugnay sa COVID-19 Cicada variant, bagay na pinabulaanan ng kalihim.

Muli ring nagbabala ang kalihim na wala silang sasantuhin sa mga nagpapakalat ng malisyoso at hindi totoong balita.

Maaari umanong maharap sa anim na buwang pagkakakulong dahil sa paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code at mas mataas pa ang parusa dahil pasok sa Cybercrime Prevention Act.

Facebook Comments