Ikinabahala ni Senador Imee Marcos, na lampas isang taon ng walang trabaho ang mga bagong graduate ng kursong edukasyon dahil hindi sila makakakuha ng Licensure Examinations for Professional Teachers (LEPT) hanggang sa 2023.
Kasunod ng selebrasyon ng World Teachers’ Day ay iginiit ni Marcos na hindi katanggap-tanggap na ang Civil Service Commission (CSC) ay hindi pa rin nakakagawa ng bersyong online ng LEPT mula nang nagsimula ang mga lockdown dahil sa pandemya.
Idedepensa ni Marcos ang pondo ng CSC para sa 2022 ngunit binalaan ang ahensya dahil sa 200,000 pang bakanteng posisyon sa gobyerno.
Ayon kay Marcos, kasama rito ang para sa public school teachers na mas mabilis sanang napunan kung naging online na ang LEPT.
Babala ni Marcos, maaring magkulang ang mga guro kung hindi pa rin mai-digitize ang LEPT para walang aberya kahit may pandemya.
Mungkahi ni Marcos sa CSC tularan ang Career Executive Service Board at iba pang professional regulatory boards na nakapagsagawa na ng kanilang online exams.
Paliwanag ni Marcos, hindi pwedeng mabawasan ang ating kapasidad para magbigay ng napaka-importanteng serbisyong gobyerno, lalo na sa edukasyon at pampublikong kalusugan, ngayong patuloy pa rin ang pandemya.