Cauayan City, Isabela – Muling hinikayat ng City Health Office ang mga taong nais tumigil ng kanilang paninigarilyo na magsadya sa kanilang tanggapan upang sumailalim sa pagpapayo at matulungan sa pagtigil ng paninigarilyo.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Errol Rudolf Maximo, ang Health Education Promotion Officer ng City Health Office 1 na ito umano ay bilang pakikiisa ng nasabing tanggapan sa pagpapatupad ng Anti-Smoking Ordinance sa lungsod ng Cauayan.
Layunin umano ng counselling na tulungan ang mga taong nais umiwas sa paninigarilyo kung kaya’t maari lamang lumapit at magsadya sa mga nakatalagang cessation clinic o sa City Health Office.
Dagdag pa ni ginoong Maximo na kaunti pa lamang ang sumasailalim sa pagpapayo kung kaya’t lalo pa umano nilang hinihikayat ang lahat na lumapit lamang sa kanilang tanggapan.
Nilinaw pa ng opisyal na hindi alternatibo ang paggamit ng vape upang maiwasan ang paninigarilyo dahil kontaminado parin ito ng nicotine na nakakasira sa kalusugan.
Paliwanag pa ni Maximo na normal at pansamantala lamang ang mga nararanasang sintomas tulad ng panginginig, pagkatuliro at pagkagmagalitin kapag itinitigil ang paninigarilyo.