Mga naiselyong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China, pinapasapubliko ni De Lima

Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Leila De Lima ang pagsasapubliko ng 29 na kasunduan sa pagitan Ng Pilipinas at China na nilagdaan sa pagbisita ngayon sa bansa ni Chinese President Xi Jinping.

Base sa report, kasama sa nabanggit na mga agreements ang plano ng dalawang bansa na joint oil and gas explorations sa bahagi ng West Philippine Sea.

Diin ni De Lima, mahalagang mabusisi ang nakapaloob sa nabanggit na mga kasunduan upang matiyak na hindi madedehado dito ang kapakanan ng mamamayang Pilipino at ng ating bansa.


Ikinaalarma ni De Lima na hanggang ngayon ay hindi pa nagbibigay ng kabuuang detalye ang Malakanyang ukol sa mga kasunduang naisapinal sa pagitan ng China at Pilipinas.

Magugunitang tatlong beses na ring naghain si De Lima ng resolusyon na humihiling sa Senado na magsagawa ng pagdinig ukol sa mga pinasok na kasunduan ng administrasyong Duterte para sa mga pamumuhunan at pautang ng China.

Facebook Comments