Bumaba ng 76% ang mga kaso ng pagkasawi dahil sa dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang Agosto 15, 2020.
Ayon kay Dr. Noni Evangelista, Program Manager ng Department of Health – National Aedes-borne Viral Diseases Prevention and Control Program, bumaba sa 231 ang naitalang nasawi dahil sa dengue ngayong 2020 mula 1,612 noong 2019.
Aniya, ang dengue case fatality rate sa Pilipinas ngayong taon ay nasa 0.39 percent lamang.
Bumaba rin sa 59,675 ang kasong ng dengue ngayong taon mula sa 430,282 noong 2019.
Paliwanag ni Evangelista, ang pagbaba ng kaso ng dengue sa bansa ay bunsod na ng kanilang multi-pronged approach katuwang ang mga medical center at mga Local Government Units (LGUs).
Maliban dito, sinabi ni Evangelista na target din nila na mabawasan ang mga kaso ng water-borne infectious diseases, influenza, at leptospirosis, kabilang ang dengue na karaniwang tumataas sa simula ng tag-ulan.