MGA NON-RESIDENT NA PAPASOK SA CAUAYAN CITY, HAHANAPAN NA NG VALID ID

Cauayan City, Isabela- Mahigpit nang ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang “No ID, No Entry Policy” sa lahat ng mga hindi residente na papasok sa Lungsod.

Sa pahayag ni Mayor Bernard Dy sa kaniyang live public address, kinakailangan aniya na mag-iwan ng Valid ID o anumang pagkakakilanlan ang mga non-resident na papasok sa lungsod sa mga itinalagang quarantine checkpoint.

Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ng alkalde ang lahat ng mga Cauayeño maging ang mga hindi residente na laging magdala ng valid ID para sa kanilang pagkakakilanlan at bilang patunay ng kanilang edad.


Hiniling din ni Mayor Dy sa mga may-ari ng establisyimento sa Lungsod na ugaliin o gawing protocol sa mga papasok na customer ang pagpresenta ng kanilang valid IDs.

Kung wala aniyang maipakitang ID o anumang pagkakakilanlan at patunay ng kanilang edad ang sinumang papasok sa establisyimento, ay huwag nang payagang makapasok ang mga ito.

Inatasan na rin ng alkalde ang PNP Cauayan at ng Cauayan City Covid-19 Inter Agency Task Force para sa mahigpit na pag-implementa sa nasabing polisiya upang malimitahan ang pagdagsa ng mga tao sa Lungsod at maiwasan ang paglala ng kaso ng COVID- 19 sa kalunsuran.

Sa kasalukuyan, kabilang ang Lungsod ng Cauayan sa may pinakamataas na active cases ng COVID-19 sa buong region 2 na umaabot sa 172 na aktibong kaso base na rin ito sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH Region 2.

Facebook Comments