Mga obispo ng Simbahang Katolika, hiniling na ipagpaliban ang implementasyon ng dagdag-singil sa NAIA sa pamamagitan ng concelebrated mass

Nanawagan ang ilang lider ng Simbahang Katolika na ipatigil muna ang pagpapatupad ng dagdag-singil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng isang concelebrated mass na idinaos ngayong Linggo sa Barangay 183, Villamor, Pasay City.

Ngayong araw ay epektibo na ang pagpapatupad ng tinawag nilang anti-people at unjust increases.

Pinangunahan nina Bishops Ben Labor, Aldrin Lleva, at Agustino Tangca ang misa na may temang “For Guidance, Truth, and Accountability for aviation industry officials.”

Sa kanilang pahayag, tinawag nilang hindi makatarungan ang biglaang pagtaas ng mga singil na ipinapatupad ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) simula ngayong araw, anila dapat unahin ang kapakanan ng mga manggagawa, pasahero at maliliit na negosyo kaysa interes ng malalaking kumpanya.

Umapela na rin sila sa Department of Transportation (DOTr), Manila International Airport Authority (MIAA), at NNIC na pansamantalang ihinto ang dagdag-singil hangga’t hindi malinaw kung saan napupunta ang kita kabilang na travel tax, parking fees, stall at office rentals, at singil sa airlines para sa paggamit ng runway at ticket charges.

Kasama ng mga obispo, nangako rin ang coalition na PUSO ng NAIA na ipagpapatuloy ang kampanya laban sa dagdag-bayarin.

Ayon kay Gilbert Bagtas, presidente ng Samahang Manggagawa ng Paliparan sa Pilipinas, pinalakas ng simbahan ang kanilang panawagan para sa transparency at accountability sa operasyon ng paliparan.

Aniya, sakaling hindi pagbigyan ang kanilang hirit ay magpapatuloy pa rin ang kanilang isasagawang kilos protesta para kalampagin ang pamahalaan.

Facebook Comments