Nangangamba na ang mga obispo ng Simbahang Katolika sa kalagayan ng mga medical health worker na isinasantabi ng pamahalaan ang financial benefits.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, dapat na ipagpasalamat at pahalagahan ng pamahalaan ang pagsasakripisyo ng mga healthcare worker na tumutulong at naghahatid ng lunas laban sa pandemya.
Ipinagdarasal ni Bishop Santos ang katatagan at kaligtasan ng medical frontliners na nahaharap sa banta ng COVID-19 at pinagkakaitan ng nararapat na benepisyo.
Nagpaabot naman ng panalangin si Legaspi Bishop Joel Baylon para sa katatagan at kaligtasan ng mga healthcare worker habang ginagampanan ang mga tungkulin ngayong pandemya.
Hinihiling ng obispo na nawa ang mga medical frontliners ay patuloy lamang na magtiwala sa pagmamahal at paggabay ng Diyos lalo na sa mga pagkakataong sila’y pinanghihinaan na ng loob at nawawalan na ng pag-asa.