Mga OFW na ililikas mula sa Afghanistan, dapat tiyaking mabibigyan ng benepisyo at tulong

Pinatitiyak ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara na maibibigay ang benepisyo at tulong para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na ililikas mula sa Afghanistan sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Act of 2016.

130 mga Pilipino ang nasa Afghanistan, at ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), 32 sa kanila ay nailikas na habang 19 naman dito ang babyahe na rin agad.

Ayon kay Angara, itinatakda ng OWWA Law ang pagkakaloob ng training at seminars sa mga apektadong OFW pati na rin sa paghahanap ng trabaho para sa kanila.


May probisyon din ang batas para sa mababang interes na pautang ng Land Bank of the Philippines (LandBank) at Development Bank of the Philippines (DBP) sa mga repatriated OFW.

Nakasaad sa OWWA Law na ang dependents at beneficiaries ng OFW member ay mabibibigyan din ng educational assistance sa pamamagitan ng Education for Development Scholarship Program (EDSP) at sa tulong din ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Inaatasan din ng batas ang OWWA na bumuo at magpatupad ng healthcare programs member para sa mga OFW at kanilang pamilya.

Nasa batas din ang pagkakaloob sa OFWs ng airport assistance, pansamantalang matitirhan o OWWA Halfway House at pantustos sa kanilang pagbyahe.

Pagkakalooban naman ng benepisyo na maaring tumaas hanggang P200,000 ang OFW na masasawi o magtatamo ng pinsala.

Facebook Comments