Cauayan City, Isabela- Pinakikiusapan ang lahat ng mga umuuwing OFW sa Lalawigan ng Isabela na sumunod lamang sa mga ipinatutupad na protocol.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SSgt Liway Asuncion ng 502nd Infantry ‘Liberator’ Brigade ng 5th Infantry Division, Philippine Army, isa aniya siya sa mga itinalagang magbantay at mag-asiste sa mga umuuwing OFW sa Lalawigan na dinadala sa Echague District Hospital para isailalim sa mandatory RT-PCR swab test.
Ayon kay SSgt Asuncion, mayroon kasi sa mga umuuwing OFW ang nagrereklamo sa ipinatutupad na protocol sa kanila at nakikipag argumento sa mga nagbabantay sa Help desk.
Kasunod na rin ito sa inilabas na Memorandum Order 2020-02 ni Isabela Governor Rodito Albano III na kinakailangan pa rin isailalim sa swab test ang lahat ng mga uuwing OFW kahit na nakapag-quarantine na ng 14 hanggang 21 days at swab test sa Manila.
Habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test ay sasailalim muna sa mandatory quarantine sa mga inilaang pasilidad ang mga OFW at kapag nagnegatibo sa COVID-19 ay susunduin na ng LGU sa kanilang lugar.
Kaugnay nito, nananawagan si SSgt Asuncion sa mga kababayang OFW na magtiis muna at makiisa sa mga panuntunan para na rin sa kaligtasan ng pamilya at ng bawat isa.
Dagdag dito, nagsasagawa naman ng disinfection tuwing umaga at hapon ang naturang ospital at mahigpit pa rin na ipinatutupad ang mga safety measures at protocols upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.