Cauayan City, Isabela- Ipinagtanggol ni Mayor Nieverose Meneses ng Nagtipunan, Quirino ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan matapos na hindi maidepensa ng maayos ang tungkol sa planong pag-utang ng P763 milyon sa bangko sa naganap na deliberasyon sa Provincial Board para sa sinasabing paglalaanan ng mga development project.
Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Meneses, kanyang ipinaliwanag na hindi naman lahat ng tanong ng mga miyembro ng Provincial Board ay masasagot ng mga SB member dahil hindi na saklaw ng kanilang trabaho ang ilang mga katanungan ng ilang SP member.
Dagdag pa ni Mayor Meneses na hindi maaaring maglabas ng mga kaukulang papeles na hindi nakasaad sa ordinansa, tugon ito ng punong bayan matapos hingin ng Provincial Board ang ‘feasibility study’ sa mga proyekto.
Sinabi pa ng opisyal na hindi natatapos sa naging aksyon ng Provincial Board ang kanilang hakbang matapos ideklarang ‘invalid’ ang planong pag-utang ng milyong-milyong pisong halaga sa mga proyekto.
Samantala, iginiit ng opisyal na tanging masusunod ang IPRA Law at hindi ang PAMBI (Participation of Protected Area Management Board (PAMB) para sa sinasabing bahagi ng Quirino Protected Landscape ang malaking porsyento ng lupain sa naturang bayan.
Dagdag pa ng alkalde na sumunod ang LGU sa ibinababang kautusan ng DENR at kumpiyansa rin sila na hindi sila lumabag sa umiiral na batas. Sa usapin naman ng legalidad ng lupa ng ancestral domain ng tribung Bugkalot, sinabi ng alkalde na ‘valid at legal’ ang mga dokumentong magpapatunay sa isang napagkasunduan sa pagitan ng LGU at isang taong nagpakilalang may-ari ng lupa ng sikat na pasyalan na ‘Landingan View Point’.
Ipinaliwanag din nito na ‘privately owned’ ang ilang bahagi ng pasyalan kung kaya’t nagkaroon ng kasunduan at mayroon ding dokumento na magbibigay ng legalidad sa nilagdaang kasunduan.
Bukod dito, sinabi rin ni Meneses na bigo umano ang mga miyembro ng Provincial Board na tanungin ang mga dokumentong nasa likod ng pinagtatalunang lupain.
Sa huli, tiniyak ni Meneses na ipagpapatuloy pa rin niya ang laban para sa mga Nagtipuneros matapos maibasura ang kanilang inihaing ordinansa.