Natapos na kahapon ang committee deliberation sa consolidated bill nina Maguindanao 1st District with Cotabato City Cong. Datu Roonie Sinsuat at Maguindanao 2nd District Esmael Mangudadatu na naglalayong hatiin o ihiwalay at gawing isang probinsya ang unang distrito ng Maguindanao na tatawaging Northern Maguindanao.
Ayon kay Cong Sinsuat, noon pang Enero 28 nagsimula ang committee deliberation para sa naturang panukala subalit bahagya itong naantala upang magkaroon sila ng sapat na pagkakataon ni Cong. Mangudadatu na pagtugmain ang pagkakaiba ng kani-kanilang bersyon ng panukala.
Kahapon sa committe hearing na pinamumunuan ni Cong. Noel Villanueva , Chairman, House Committee on Local Government, ay idinipensa nina Congressmen Mangudadatu at Sinsuat ang kanilang panukalang batas na maghahati sa kasalukuyang lalawigan ng Maguindanao sa dalawang probinsya.
Sinabi pa ni Cong. Sinsuat na kanyang nakita na satisfied at nakumbinsi nila ni Cong. Mangudadatu ang mga kapwa nila mambabatas na dumalo sa committe hearing kahapon, sa katunayan naging “unanimously approved” ng mga ito ang panukala ng mga kongresista mula sa Maguindanao.
Paliwanag ni Cong Sinsuat, sa committee level pa lamang pumasa ang kanilang panula, sunod dito ay gagawa naman ng committee report para sa plenaryo ang House Committee on Local Government na s’yang dumidinig sa kanilang panukala.
Mula naman sa plenaryo ay magkakaroon pa ng interpelasyon at mga debate kaugnay ng panukala.
Tiwala naman si Cong. Sinsuat na kakatigan at susuportahan ng kanilang mga kasamahan sa Kongreso ang panukala nila ni Cong. Mangudadatu.
Sinasabing layunin ng pagbuo ng panibagong probinsya o ang paghahati ng lalawigan ay para mas lalo pang matutukan ang bawat bayan na sasakupin nito para na rin sa kaunlaran at kaginhawaan ng mga mamayan giit ni Congressman Sinsuat sa panayam ng DXMY.
Sakaling maaaprubahan, ang mga bayan ng Buldon, Barira, Matanog, Parang, Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Datu Odin Sinsuat, Northern Kabuntalan, Mother Kabuntalan, Upi, Datu Blah Sinsuat at bayan ng Talitay ang bubuo sa Northern Maguindanao.
PIC Courtesy: Esther Grace de Pedro-Guipo <www.facebook.com/esthergrace.depedroguipo?__tn__=%2CdlCH-R-R&eid=ARDxODydWnsgupOAo9e3Bxe7R7jlYqB-lZDmUq7kAbQYezjHapWct0tCCdS9W9ynHnlDF0HLg1EUcdeT&hc_ref=ARReuZHOn6oCo4ivkMtHUSdKczCdENP0T1bdQnKDLRGy…>