Mga ospital na walang isinusumiteng liquidation report sa DOH, ipinalalathala ni Sec. Duque sa dyaryo

Inatasan na ni Health Secretary Francisco Duque III si Health Undersecretary Leopoldo Vega na ilathala sa dyaryo ang listahan ng mga ospital na hindi pa nakapagsusumite ng liquidation report at walang memorandum agreement sa mga local government unit.

Sa gitna ito ng mga ulat na mahigit 120,000 mga healthcare workers ang hindi pa rin nakatatanggap ng kanilang One COVID-19 Allowance.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Duque na sa pamamagitan nito ay maipapaalam din sa mga healthcare workers kung bakit hindi pa naibibigay ang kanilang OCA.


Giit pa ng kalihim, hindi naman pwede na basta lang sila bigay nang bigay ng allowance nang walang accountability dahil sila naman ang masisita ng Commission on Audit.

“Pinapa-publish ko na yan para malaman din ng mga healthcare workers nila kung bakit hindi nabibigay ng Center for Health Development ng DOH yung kanilang COVID allowances. Pero naibaba na yan sa mga regions e. ‘Yung regions hindi lang maibaba sa mga private hospitals kas inga walang liquidation report,” paliwanag ni Duque.

“Madali lang magbigay ng pera pero kung wala naming liquidation report e anong gagamitin mo? E di hahabulin ka ng COA, hindi naman tama ‘yon. Sa’n ang governance?” giit pa niya.

Facebook Comments