Maaring umabot sa full capacity sa kalagitnaan ng Agosto ang mga ospital sa Metro Manila kapag hindi nagpatupad ang pamahalaan ng mahigpit na quarantine measures sa harap ng banta ng Delta variant.
Ayon kay OCTA Research Fellow Rev. Fr. Nicanor Austriaco, posibleng sumampa sa 100% ang healthcare utilization sa Metro Manila sa pagitan ng August 15 hanggang 19.
“Our projections based on the behavior of the Delta variant in our ASEAN neighbors suggest that the surge will begin to impact our health care system in the NCR by the middle of August. Our hospitals will become overwhelmed by the end of August if nothing is done,” sabi ni Austriaco.
Sinabi ni Fr. Austriaco na ang Thailand, Malaysia, at Vietnam ay nakakaranas na ng surge dahil sa Delta variant.
“Regardless of the surge in Vietnam, Thailand, or Malaysia, the expectation is that our hospital utilization will reach about 70 percent around the 11th or 12th of August. The DOH has set this as critical,” ani Austriaco.
Dagdag pa ni Austriaco, sakaling nangyayari na sa Metro Manila ang surge, ang naitatalang 1,000 daily average cases sa ngayon ay patuloy na tataas sa mga susunod na linggo.
Para naman kay OCTA Research Fellow Professor Ranjit Rye, ang kasalukuyang general community quarantine with heightened restrictions ay hindi sapat para mabaligtad ang nakakaalarmang trend.
Muling iminungkahi ng OCTA ang ‘circuit-breaker’ at ‘hard’ lockdown para mapigilang mangyari ang surge.