Isabela, Basilan – Ang grupo ng Abu Sayyaf ang siyang nagtanim ng eksplosiba sa labas ng Chinese Cemetery sa Barangay Lanote lungsod ng Isabela sa lalawigan ng Basilan noong Hunyo a-kinse, ito ang lumalabas sa imbestigasyon ng otoridad.
Ayon sa hepe ng Isabela Police Office Chief inspector Jerome Afuyog, mga tagasunod ni ASG Leader Furuji Indama ang siyang may pakana nito dahil plano nilang patayin ang isang mataas na opisyal ng nasabing lalawigan.
Pinatunayan naman ito ni Basilan Governor Jim Saliman na ang nasabing eksplosiba ay para sa kanya, dahil ito ang sinabi ng grupong Abu Sayyaf base sa mga text messages natatanggap niya.
Inamin ni Saliman na matagal na siyang nakakatanggap ng mga banta sa kanyang buhay galing sa grupong Abu Sayyaf, simula noong sinuportahan niya ang Law Enforcement Operation ng Militar Laban sa Abu Sayyaf kung kayat galit ang mga ito sa kanyang administrasyon dahil sa pagsuporta niya upang ma-neutralize ang nasabing grupo.
Matatandaan alas -tres noong miyerkules noong nakaraang lingo ng madiskubre ang eksplosiba sa labas ng Chinese Cemetery, at ayon sa Explosive Ordnance Division ang Improvised Explosive Device isang klase ng bomba na tinanim ng nasabing grupo, na isang tanke ng LPG na puno ng pako, wire at ammonium nitrate.
Nagpapatuloy naman hanggang sa ngayon ang opensiba ng military sa Sumisip, at ayon sa komandante ng Joint Task Force Basilan Col. Juvy Max Uy upang marekober ang natitira pang mga estrangherong kidnap victim na hawak pa rin ng Bandidong Grupo Abu Sayyaf.