Mga paalala sa Traslacion, Inilabas ng Pamunuan ng Quiapo Church

Manila, Philippines – Naglabas ng paalala ang mga organizer ng Traslacion 2019 patungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin sa panahon ng selebrasyon ng Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Miyerkules Enero a-9.

Ayon kay Father Danichi Hui, ang Vicar ng Simbahan ng Quiapo na bawal magpalipad ng drone ang sinuman, maliban sa drone na pinalilipad ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines.

Pinaalalahanan din ni Father Hui ang mga deboto na iwasan ang pagdadala ng mga matutulis na bagay katulad ng ballpen na kadalasan ay dahilan ng pagkasugat kapag nahulog.


Bawal na rin sa Ruta ng Andas ang mga vendor na nagbebenta ng mga inihaw at mga pritong pagkain na ginagamitan ng stick.

Hindi man direktang sinabing bawal, ngunit hinihimok ng pari ang mga deboto na hangga’t maiiwasan ay huwag na sumampa sa Andas sa panahon ng prusisyon upang hindi pagsimulan ng aksidente.

Paliwanag ni Father Hui, isang taon namang nasa simbahan ng Quiapo ang imahe ng Black Nazarene kung saan maaari nila itong dalawin.

Giit ni Fr. Hui na bawal ang mga paputok, nakainom ng alak, mga bata at mga buntis na sumali sa prusisyon para sa kanilang kaligtasan, sa halip, aniya sa mga nakakalat na Prayer Stations na lamang sila magtungo at doon manalangin.

Facebook Comments