Hinimok ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan na magkaroon ng aktibong partisipasyon sa “PinasLakas” campaign ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Batay sa DepEd Order No. 39, series of 2022, inatasan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang School Health and Nutrition na patuloy na hikayatin ang teaching at non-teaching personnel na magpabakuna ng tatlong doses kontra COVID-19.
Ido-dokumento ng School Health Nutrition ang mga isyu ng hesitancy o pagdadalawang-isip ng unvaccinated personnel at mga estudyante sa pagpapabakuna.
Kaugnay nito, makikipag-ugnayan ang Bureau of Learner Support Services sa Department of Health (DOH) para sa capacity building activities kabilang ang documenting, reporting at pagtugon sa hesitancy.
Hinihiling din ang suporta ng Parents and Teachers Association sa information dissemination campaign upang ipaliwanag ang benepisyo ng pagpapabakuna at maiangat ang wall of immunity sa bansa.
Sa kabila nito, mahigpit na ipinaalala ni VP Sara na hindi dapat maging hadlang sa paglahok sa face-to-face classes ang pagiging unvaccinated at hindi dapat managot ang paaralan at DepEd offices sakaling may magpositibo sa COVID-19.