Mga pagdinig sa Kamara, magpapatuloy kahit naka-session break

Magpapatuloy pa rin ang trabaho ng Kamara kahit nag-adjourn sine die na ang 2nd regular session ng 18th Congress.

Bago magsara ang sesyon, inaprubahan sa plenaryo ang mosyon ni House Majority Leader Martin Romualdez na payagang magsagawa ng hearings ang mga komite sa panahon ng recess simula ngayong buwan hanggang sa Hulyo.

Binigyang din ni Romualdez sa kanyang mosyon na magpapatuloy ang mga pagdinig para matalakay ang mahahalagang panukalang batas na tutugon sa pangangailangan ng mga tao lalo na ngayong may pandemya.


Samantala, in-adopt rin ng Kamara ang resolusyon na kumikilala sa liderato ni Speaker Lord Allan Velasco.

Sa kanyang sponsorship speech sa House Resolution 1838, pinuri ng Majority Leader si Velasco sa pamumuno nito nang may malasakit sa kalusugan at kaligtasan hindi lang ng mga miyembro kundi maging ng mga empleyado mula sa banta ng COVID-19.

Tinukoy ni Romualdez ang ipinapatupad na quarterly swab test at bi-weekly antigen tests para sa lahat ng miyembro at kawani ng kapulungan bago magtrabaho sa Batasan.

Facebook Comments