Mga pangalan ng irerekomendang susunod na PNP Chief, isusumite na ng DILG sa Malacañang

411

Nakatakdang isumite ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga pangalan ng mga posibleng susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Año, sa katapusan ng Abril niya ibibigay kay Pangulong Duterte ang rekomendasyon kung sino ang magiging susunod na hepe ng PNP.


Itinanggi naman ni Año na agad pangalanan ang posibleng makasama sa kanyang listahan.

Sa May 8 nakatakdang magretiro si PNP Chief Gen. Debold Sinas sa kanyang posisyon.

Base sa seniority at pinakamataas na posisyon na posibleng humaliling PNP Chief sa PNP command group, kasama rito sina Lt. Gen. Guillermo Eleazar, Deputy Chief for Administration; Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, at Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, Hepe ng Directorial Staff.

Sa kabilang banda, nakatakda namang magretiro si Binag sa April 24 habang sa November 13 magreretiro si Eleazar.



Sina Eleazar, Binag at Sinas ay kabahagi ng Philippine Military Academy Hinirang Class of 1987.


Facebook Comments