
Padadalhan din ng imbitasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang ilang pangalan na binanggit ni dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects kahapon nang humarap sa ICI ang kongresista matapos ang imbitasyon ng nasabing komisyon.
Ayon kay ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka, wala umanong idinawit na pangalan si Romualdez sa flood control scandal ngunit binanggit nito ang mga taong may kinalaman sa budget process.
Tumanggi naman si Director Hosaka na pangalanan ang mga ito at ilabas sa media.
Malaking tulong din umano ang ibinahaging impormasyon ni Romualdez para lubos na maintindihan kung paano pinoproseso ang budget sa bawat proyekto.
Una nang itinanggi ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Independent Commission for Infrastructure na tumanggap siya ng kickbacks mula sa mga proyekto sa flood control.
Pinababalik din ang dating House Speaker sa ICI sa susunod na linggo upang matanong kaugnay ng isinumite niyang affidavit.









