Kabilang sa tatalakayin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ngayong hapon ang lalamanin ng implementing guidelines kaugnay sa hindi na pagpapagamit ng face shield sa outdoor places.
Matatandaan na inanunsyo kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang taped ‘Talk to the People’ na lilimitahan na lamang ang paggamit ng face shields sa closed, crowded places at mga high risk activitites na hindi maiiwasan ang close contact.
Ipinag-utos din ng pangulo ang agarang paglalabas ng guidelines para dito.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hihimayin sa pulong ng IATF mamaya ang mga espesipikong lugar kung saan na lamang kailangang gumamit ng face shield.
Lalo na at mayroong aniyang mga lugar na bagama’t maituturing na outdoor ay hindi pa rin maiiwasan ang siksikan tulad ng mga tiangge.