Mga paratang ni dating Sen. Trillanes laban kay VP Sara, walang batayan

Mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga paratang ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban sa bise presidente at sa pamilyang Duterte.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Vice Presidential Spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr., na matagal nang inuulit ni Trillanes ang umano’y mga akusasyon tungkol sa extrajudicial killings, iligal na droga, hindi maipaliwanag na yaman, katiwalian at ugnayan sa China na aniya’y pawang walang sapat na batayan.

Iginiit din ni Panelo na ang mga dating testigo at personalidad na iniuugnay sa mga alegasyon ay nawalan na umano ng kredibilidad o binawi ang kanilang mga naunang pahayag.

Ayon pa sa kampo ng bise presidente, handa ang kanilang legal team na sagutin ang anumang alegasyon sa harap ng Senate Impeachment Court at hayaang ang ebidensya ang magsalita.

Samantala, hanggang sa ngayon ay wala pang tugon ang dating senador kaugnay sa pinakahuling pahayag ng kampo ni VP Sara.

Facebook Comments