
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat laban sa mga sakit na dulot ng matinding init habang nararanasan ang epekto ng El Niño.
Ayon sa DOH, nangyayari ang El Niño kapag umiinit ang malaking bahagi ng Karagatang Pasipiko na nagdudulot ng mas mainit na panahon at mas kaunting pag-ulan sa loob ng ilang buwan.
Kabilang sa mga sintomas ng heat exhaustion ang matinding panghihina, sobrang pagkapagod, pagkahilo, heat cramps o pananakit ng kalamnan, pagduduwal, at labis na pagpapawis.
Samantala, ang heat stroke ay maaaring magdulot ng pagkawala ng malay, sobrang init ng katawan, hirap sa paghinga, pagkalito o hindi malinaw na pananalita, at kombulsyon.
Pinapayuhan ng DOH ang publiko na magsuot ng mapusyaw, manipis at preskong damit, uminom ng hindi bababa sa walong hanggang sampung baso ng tubig araw-araw, at iwasan ang mabibigat na gawain sa oras ng matinding sikat ng araw.
Kung may makitang senyales ng heat stroke, agad na tumawag sa 911 o dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na pagamutan para sa agarang lunas.










