Manila, Philippines – Kakausapin ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas ang mga partido na natanggalan ng leadership sa Kamara matapos na bumoto ng No sa death penalty bill.
Ayon kay Fariñas, ipupulong niya ang mga partido at sector para kunin kung sino ang nominee o ipapalit nila sa mga kongresistang natanggal sa Committee Chairmanship at pagka-Deputy Speaker.
Matatandaang bago mag-Holy week break ang Kamara ay inanunsyo ni Fariñas ang labing-isa na mga nabakanteng posisyon ng mga mambabatas na hindi sumoporta sa pagpapasa ng House Bill 4727.
Tanging ang House Committee on Basic Education na pinamumunuan noon ni Sorsogon Rep. Evelina Escudero pa lamang ang may kapalit na si Cebu Rep. Ramon Durano.
Kasama din sa mga tinanggalan ng posisyon sa Kamara ay si Pampanga Rep. Gloria Arroyo na sa kabila ng pagkakasibak ay nananatili pa rin ang suporta kay Pangulong Duterte at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Hindi pa nabibigyang linaw ni Farinas kung ang mga bumoto ng No sa parusang kamatayan na naghayag pa rin ng suporta sa administrasyon at sa liderato ng Kamara ay tuluyang aalisin sa pwesto.
DZXL558